Pauwi na naman ako galing sa pakikipagtagpo sa isang estranghero. Sex Eye Ball ang karaniwang tawag sa prosesong ito. Dalawang tao na nagkakilala sa maikling panahon sa internet. Nagkahulihan ng kiliti. Naglatagan ng matinding pangangailangang pang-laman. Nagkasundong magkita. Nagtalik. At ngayon, pauwi na naman ako. Ilang beses na din na nangyari ito. Hindi naman madalas. Kapag matindi lang ang tawag ng laman. Sa mga ganitong pagkakataon, madali makahanap ng katalik. Madaling naisusugal ang seguridad, ang posibilidad na mahuli, makunan ng kamera, magkasakit. Hindi na binibigyan ng diin ang kagandahan ng mukha, kakinisan at kakisigan ng katawan. Walang pagsisinsay kung nakapag-aral ba, matalino, marunong mangatwiran. Basta’t nagtagpo ang libog, nagkaroon ng puwang upang tugunan ang init ng katawan. Basta’t pumasa, makaraos lamang.
Walang masama, katuwiran ko. Akin ang katawang ginagamit ko. May pagtanggap sa katotohanang ang pagnanasa ay kailangang tugunan. Tulad ng pag inom ng tubig kapag uhaw.
Uhaw. Uhaw sa pakikipagtalik? Uhaw sa init ng katawan ng kapwa lalaki? Libog lamang ‘yan. O libog nga lang ba?
Mayroon akong teorya. Sa maikling panahong sinubok ang larangang ito, ang larangan ng malayang pakikipagtalik, may ilan akong napagtantong mga katotohan sa buhay ko at, maaari, sa buhay nating lahat.
Bakit tayo naghahanap ng katalik? Dahil sa libog, sa init ng katawan na maaari lamang matapatan ng isa o ilan pang kapwa maiinit na katawan. Madaling sabihin. Dahil sa libog.
Ngunit ano ang lihim na katotohanan sa likod ng paghahanap. May ilang mangangatuwiran na libog lang ‘yan. At ito ay totoo. Subalit, sa aking palagay, may nagkukubling dahilan sa ganitong sapantaha.
Ano ba ang ating hinahanap? Katalik. Kahit sandali lamang ang pagniniig, ito ay tugon sa ating paghahanap. Ano ang nangyayari sa pagtatalik? Depende sa napag-usapan, sa napagkasunduan. Maaaring humalik ngunit hindi sa labi. Maaring lumapat ang dila pero hindi puwedeng ipasok. Maaaring dampian ngunit hindi puwedeng kagatin. Maaaring isubo pero hindi puwede palabasin. Maaaring makipagtalik pero hindi puwede umibig.
Pag-ibig. Isang masalimuot na katotohanan. Iba’t iba ang kahulugan batay sa pananaw ng iba’t ibang tao. May nakapagsabi na ang pagtatalik ang pinakamataas na antas ng pagpapahayag ng pag-ibig sa aspetong pisikal. Ang pag-iisa ng dalawang tao, ng dalawang katawan.
Masalimuot ang umibig. Hindi ito humihiling o nakikiusap. Ito ay nag-uutos. Kailangang maglaan ng oras, emosyon, pera, at ang iyong buong pagkatao, katawan, puso, kaluluwa, upang ito ay maging ganap. Para sa ilan na nasumpungan ito, ikinagagalak ko ang inyong pagtuklas. Huwag ninyo itong hayaang makawala. Bigkisin ninyo ito ng mahigpit, alagaan at pagyabungin. Ang pag-ibig ay isang desisyon. Desisyon na mahalin ang isang tao bagamat lantad ang kaniyang mga kahinaan at pagkukulang. Desisyon ito na suungin ang buhay ng magkahawak kamay, magkatuwang, sa konteksto ng isang relasyon.
Ang pakikipag-relasyon. Higit na masalimuot sa pag-ibig. Ito ang pang-araw-araw na mukha ng pag-ibig. Anong oras tayo magkikita? Saan tayo kakain? Kumusta ang araw mo? Bakit hindi ka nag-text? Anong oras tayo magkikita bukas? Mag-iingat ka pauwi.
Karamihan sa atin ay naghahanap ng ka-relasyon, ng isang taong mamahalin at magmamahal sa atin. Ilan sa atin, marahil, ay alam ang bigat at sarap ng pakikipag-relasyon. May ilan din na napaso ng init nito.
Alisin ang pag-ibig sa dalawang taong nagtatalik. Ano ang kalalabasan nito? Hindi isang mababang uri ng relasyon kundi pagharap at pagtanggap sa isang katotohanan. Kailangang tighawin ang uhaw. Kailangang busugin ang gutom.
Ito ang aking teorya. Sa aking pakikipagtalik ay may hinahanap ako. Tiyak ang aking mga pangangailangan. Mariin ang halik, mahigpit ang yakap, may lambing ang haplos, masikip, masarap, basa. At kung kaya pa, kung gusto pa, maaaring ulit-ulitin. Ngunit sa pagtugon sa mga pangangailangang ito, lumantad ang tunay kong hinahanap. Sa yakap, sa init, sa halik. Ang malayang pakikipagtalik ay may nakapaloob na kagustuhang masumpungan ang pag ibig.
Sa bawat lalaking aking nakapiling, may bulong ng pag-asa at pagtatanong: ikaw na ba?
Sa pagbaybay ng taxi sa kahabaan ng EDSA, bigla akong napatanong: hanggang kailan ko ito gagawin? Hanggang may libog sa katawan ko? Hangga’t may internet na magagamit? Hangga’t may nagkukusang-loob na makipaglaro? Hangga’t hindi ka dumadating.
Sa isip ko, ikaw lamang ang tunay na makapagpapaligaya sa akin. Alam mo kung saan ako hahalikan, gaano kariin ang kagat, gaano kahigpit ang yakap, gaano kasikip, kabasa. Alam mo ang mga salitang ibubulong, kailan mananahimik, uungol, sisigaw sa sarap,at hihinga ng malalim. Sa piling mo mawawala ang aking lumbay, ang lungkot ng aking puso, ang piping kahilingang mahalin din. Ang iyong katawan ay hindi na iba bagkus bahagi na ng katawan ko. Tayo ay lapat, tiyak ang sukat, magkatugma. Sa piling mo ay hindi ako mag-iisip kung ano ang susunod na gagawin, saan hahawak, saan hahalik. Alam ko ang mga salitang ibubulong ng palihim, kailan tatahimik, huhumaling sa sarap, at pagdaka’y hihinga ng malalim. Sa piling mo ay hindi na ako maghahanap. Payapa ang aking damdamin. Walang pag-aalinlangan, pagtatanong, pag-iisip.
Subalit, may taglay na bigat ang aking teorya na nakapaloob sa isang katanungan:
Kailan ka darating?
No comments:
Post a Comment